7% PAGLAGO SA ECONOMY, INAASAHAN NG PH SA SUSUNOD NA 10 TAON DAHIL SA ‘BBB’

DBM Secretary Benjamin Diokno-2

INAASAHANG makababawi ang economic growth ng Filipinas sa 7 hanggang 8 percent target sa susunod na taon sa kabila ng global uncertainties dahil sa ‘Build Build Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ang gross domestic product (GDP) growth ay babalik sa targeted level sa susunod na taon sanhi ng $180-billion infrastructure building campaign ng administra-syong Duterte.

“We are confident that we would be back on track next year,” pahayag ni Diokno sa Reuters. “We are very positive that our ‘Build Build Build’ program will sustain growth of around 7 percent for the next 10 years.”

Sa second quarter, ang annual growth ay bumagal sa halos three-year low na 6 percent para manganib ang target ng pamahalaan na 7-8 percent ngayong taon.

Binabaan din ng International Monetary Fund (IMF) at ng Asian Development Bank (ADB) ang kanilang 2018 growth forecasts para sa Filipinas. Inaasahan ng IMF ang 6.5 percent growth habang ang ADB ay nagbigay ng 6.4 percent forecast.

Ang paghina ng piso ay nagpataas din sa inflation, na noong Setyembre ay pumalo sa 6.7 percent, ang pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon.

Ayon kay Diokno, ang kasalukuyang inflation ay ‘transitory’ at ito’y bunga ng mataas na presyo ng petrolyo.

Tinukoy ang IMF at ADB forecasts, sinabi niya na ang inflation ay aabot sa targeted level na 2-4 percent sa susunod na taon.

Comments are closed.