7 TIKLO SA CYBER-RELATED SCAMS

ALINSUNOD sa direktiba ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.) na paigtingin ang kampanya laban sa mga cyber-related scams, inaresto ng pinagsamang pwersa ng NBI-Pampanga District Office (NBI-PAMDO) at 301st Special Mission Group, 300th Air Intelligence Security Wing ng Philippine Air Force ang pitong indibidwal na kinilalang sina Arnel Bautista Dayrit; Reniel Vergara Pabalan; Sharlene Manliclic Agustin; Amanda Eunice Roaquin Turalde; Mark Jhondell Dumaraus Padua; Vanesa Manliclic Agustin At Kaey Ann Agustin Pabalan sa Angeles City sa Pampanga dahil sa Computer-Related Fraud sa ilalim ng Seksyon 4 (b)(2) ng Republic Act No. 10175 o ang “Cybercrime Prevention Act of 2012”.

Ayon kay Santiago, ang kaso ay nagmula sa impormasyon na natanggap ng NBI-PAMDO na ang FXTM USDT FOREX TRADING na matatagpuan sa Brgy. Salapungan ay nag-ooperate bilang isang cryptocurrency scamming hub na tinatarget ang mga dayuhan mula sa US, Middle East at Europa.

Sinasabing gumagamit ang FXTM ng social engineering, love scam, impersonation scam, phishing link at malisyosong website upang hikayatin ang kanilang mga biktima na mag-invest sa kanilang cryptocurrency platform.

Ang modus ng kumpanya ay natuklasan matapos ang dalawang buwang surveillance operation at cyber-patrolling na isinagawa laban sa online platform.

Bilang tugon sa impormasyon, nag-apply ang NBI-PAMDO para sa isang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) laban sa nasabing establisimyento na kalaunan ay ipinagkaloob ng korte.

Noong Setyembre 20, ipinatupad ng pinagsamang operatiba ang WSSECD na nagresulta sa pagkumpiska ng 85 yunit ng desktop computers, 114 yunit ng iba’t-ibang cellular phones, iba’t ibang SIM cards at ginamit na SIM card chips at mga dokumento na naglalaman ng e-mails, passwords at cryptocurrency wallet addresses.

Nabunyag sa mga nakumpiskang dokumento ang tunay na pangalan ng kumpanya bilang FMD Non-Voices Outsourcing Services kasama ang mga pangalan ng mga may-ari at opisyales nito.

Ang mga inarestong indibidwal kasama ang apat  pang opisyal ng kumpanya na wala sa lugar noong isinagawa ang raid ay kinasuhan sa Office of the Prosecutor ng Angeles City para sa Computer-Related Fraud sa ilalim ng Seksyon 4 (b)(2) ng Republic Act No. 10175 o ang “Cybercrime Prevention Act of 2012.”

Samantala, pinuri ni Santiago ang mga Ahente ng NBI-PAMDO sa matagumpay na operasyon at nagpahayag ng pasasalamat sa PAF para sa kanilang suporta sa mga aktibidad ng pagpapatupad ng batas.

RUBEN FUENTES