NAGBUHOS si Kendrick Nunn ng 26 points at nagdagdag si Bam Adebayo ng 23 upang pangunahan ang bumibisitang Miami Heat sa 108-104 panalo laban sa Philadelphia Sixers, na naputol ang season-long home winning streak.
Sa 14-0, ang 76ers ang huling unbeaten home team sa liga. Naghabol sila ng 16 points, halos pitong minuto ang nalalabi sa laro bago nakadikit sa dalawang puntos, subalit sumablay ang potential go-ahead 3-point try ni Al Horford, may limang segundo sa orasan.
Nag-ambag si Duncan Robinson ng 15 points at tumipa si Jimmy Butler ng 14 points, 7 rebounds at 5 assists para sa Heat, na natalo rin sa 76ers sa kanilang unang paghaharap ngayong season sa Philadelphia noong Nov. 23.
Nanguna si Joel Embiid para sa Sixers na may 22 points at 19 rebounds habang nagdagdag si Tobias Harris ng 20 points. Tumipa sina Ben Simmons at Josh Richardson ng tig-17.
PELICANS 107,
TIMBERWOLVES 99
Tumabo si Brandon Ingram ng 34 points, at tinapos ng New Orleans ang franchise-worst nito na 13-game losing streak sa pamamagitan ng panalo laban sa Minnesota sa Minneapolis.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 18 points, nagtala si JJ Redick ng 12, at nakakolekta sina Josh Hart ng 11 at Lonzo Ball ng 10 nang kunin ng Pelicans ang kanilang unang panalo magmula noong Nov. 21.
Kumana si Andrew Wiggins ng 27 points upang pangunahan ang Timberwolves, na nalasap ang ika-8 sunod na kabiguan. Hindi naglaro si Minnesota center Karl-Anthony Towns dahil sa sprained left knee na natamo sa pagkatalo sa Los Angeles Clippers noong Biyernes.
THUNDER 126, GRIZZLIES 122
Napantayan ni Dennis Schroder ang kanyang season-high 31 points upang pangunahan ang Oklahoma City kontra bumibisitang Memphis.
Naitala ni Schroder ang 22 sa kanyang mga puntos sa second half, nang simulang burahin ng Thunder ang 24-point deficit. Ito ang ikatlong pinakamalaking comeback sa kasaysayan ng Oklahoma City at nangyari dalawang araw lamang makaraang magwagi ang Thunder matapos na humabol sa Chicago Bulls ng 26 points.
Ang Oklahoma City ay pangalawang koponan pa lamang sa huling 25 seasons na nagwagi ng back-to-back games makaraang maghabol ng 20 o higit pang puntos. Ang una ay ang Indiana Pacers noong Enero 2010, ayon sa Elias Sports.
CELTICS 109,
MAVERICKS 103
Kumamada si Kemba Walker ng 32 points at nagdagdag si Jaylen Brown ng 26 nang putulin ng bumibisitang Boston ang two-game losing streak nang gapiin ang Dallas.
Umiskor si Jayson Tatum ng 24 points habang kumalawit si Enes Kanter ng 13 rebounds para sa Celtics.
Sa iba pang laro, naungusan ng Chicago Bulls ang Washington Wizards sa overtime, 110- 109; ginapi ng Toronto Raptors ang Detroit Pistons, 112-99; iginupo ng Denver Nuggets ang Orlando Magic, 113-104; nasingitan ng Cleveland Cavaliers ang Charlotte Hornets, 100- 98; at pinaso ng Portland Trail Blazers ang Golden State Warriors, 122-112.
Comments are closed.