76ERS WINALIS ANG NETS; SUNS ANGAT SA 3-1; HEAT, LAKERS 2-1

NAITALA ni Tobias Harris ang 14 sa kanyang 25 points sa second half at nakumpleto ng Philadelphia 76ers ang Eastern Conference first-round sweep sa host Brooklyn Nets sa 96-88 panalo nitong Sabado sa New York.

Nalusutan ng 76ers ang pagliban ni Joel Embiid dahil sa pananakit ng kanyang tuhod matapos ang Game 3 noong Huwebes. Makakaharap nila ang Boston Celtics o Atlanta Hawks sa susunod na round.

Winalis ng Philadelphia ang best-of-seven series sa unang pagkakataon magmula nang gapiin ang Milwaukee sa second round noong 1985.

Naipasok ni Harris ang 11 of 19 shots at kumalawit din ng 12 rebounds at dinomina ng 76ers ang boards, 54-38. Nakakolekta si James Harden ng 17 points, 11 assists at 8 rebounds habang nag-ambag si Tyrese Maxey ng 16 points at 8 boards.

Naiposte ni reserve De’Anthony Melton ang lahat ng kanyang 15 points sa fourth quarter nang ma-outscore ng Sixers ang Brooklyn, 30-25. Naging starter si Paul Reed para kay Embiid at nakalikom ng 10 points at 15 rebounds.

Gumawa si Spencer Dinwiddie ng 20 points para sa Nets, na winalis sa first round sa ikatlong pagkakataon sa apat na seasons at nahila ang kanilang postseason losing streak sa 10 games. Kumubra si Nic Claxton ng 19 points at 12 rebounds subalit naipasok ni Mikal Bridges ang 6 sa 18 shots at nalimitahan sa 17 points.

Naitala ng Philadelphia ang unang basket ng laro subalit nakalamang lamang sa kalagitnaan ng third nang humabol ito mula sa 53-42 deficit sa pag-iskor ng 14 sunod na puntos. Isinalpak ni Harris ang isang 13-footer, may 5:29 ang nalalabi at isang basket ni Reed ang tumapos sa run sa sumunod na possession.

Isinalpak ni Maxey ang isang 3-pointer at naipasok ang isang 3-point play sa huling 1:49 upang tulungan ang Philadelphia na kunin ang 66-63 kalamangan papasok sa fourth. Naitabla ng Nets ang talaan sa 70-70 sa tres ni Royce O’Neale at kinuha ang kalamangan sa jumper ni Bridges, subalit gumamit ang 76ers ng 22-6 run upang lumayo.

Hindi na naghabol pa ang Philadelphia makaraang ilagay ng tres ni Melton ang talaan sa 73-72 sa 8:38 mark. Sinundan ito ni Harris ng 3-point play para sa 76-72 lead at pagkatapos ay ipinasok ang mahirap na 13-footer bago nahila ng layup ni Melton ang bentahe sa 85-76, may 3:58 ang nalalabi.

Suns 112, Clippers 100

Nagsalansan si Kevin Durant ng 31 points, 11 rebounds at 6 assists habang nagdagdag si Devin Booker ng 30 points, 9 rebounds at 7 assists at lumapit ang bisitang Phoenix Suns sa second round ng Western Conference playoffs nang dispatsahin ang short-handed Los Angeles Clippers sa Game 4.

Nagbuhos si Chris Paul ng 19 points at 9 assists, habang nagdagdag si Deandre Ayton ng 15 points na may 13 rebounds para sa Suns na babalik sa home para sa Game 5 sa Martes na may 3-1 first-round series lead.

Umiskor si Russell Westbrook ng 37 points para sa Clippers, subalit hindi ito sapat para mapunan ang pagkawala ng dalawang sLos Angeles stars.

Si Paul George ay hindi na naglaro magmula noong March 21 at lumiban si Kawhi Leonard sa huling dalawang laro ng series. Ang dalawa ay kapwa may knee injuries at maaaring hindi pa rin maglaro si Leonard sa Game 5.

Umiskor si Norman Powell ng 14 points at nagdagdag si Terance Mann ng 13 para sa Clippers, na nagbalik sa playoffs makaraang umabante sa Western Conference finals noong 2021.

Lakers 111, Grizzlies 101

Tumabo si Anthony Davis ng 31 points, 17 rebounds, at 3 blocked shots upang pangunahan ang host Los Angeles Lakers sa panalo kontra Memphis Grizzlies sa Game 3 ng kanilang first-round series.

Nagdagdag si LeBron James ng 25 points at 9 rebounds para sa Lakers na kinuha ang 2-1 lead sa Western Conference matchup.

Tumipa si D’Angelo Russell ng 17 points at umiskor si Rui Hachimura ng 16 para sa Los Angeles, na umabante ng hanggang 29 points sa wire-to-wire victory.

Nag-ambag si Desmond Bane ng18 points at umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 13 para sa Grizzlies.

Nakatakda ang Game 4 sa Lunes ng gabi sa Los Angeles.

Heat 121, Bucks 99

Kumana si Jimmy Butler ng 30 points bago ipinahinga sa fourth quarter nang gapiin ng host Miami Heat ang Giannis Antetokounmpo-less Milwaukee Bucks upang kunin ang 2-1 lead sa kanilang first-round Eastern Conference playoff series.

Kumamada si reserve Duncan Robinson ng limang three-pointers at umiskor ng 20 points sa kanyang 29th birthday para sa Miami, na umabante ng hanggang 29 at hindi na naghabol makaraang makontrol ang first quarter.

Gumawa si Kyle Lowry ng 15 points mula sa bench para sa Heat, habang nagdagdag si Max Strus ng 12 points. Nakalikom si Bam Adebayo ng 12 points, 11 rebounds, at 5 assists, at nag-ambag si reserve Caleb Martin ng 12 points at 11 rebounds.