MULING aarangkada ang National Press Club – Philippine Racing Commission Benefit Race sa pista ng Manila Jockey Club/San Lazaro sa Carmona, Cavite, ngayong Sabado, Oktubre 19.
Dalawang sponsored race ng Philracom at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na may premyong P250,000 bawat isa ang inaasahang magpapasigla sa bayang karerista sa mga karera na magsisimula sa ganap na alas-3 ng hapon.
Ayon kay NPC Vice President Paul M. Gutierrez, ang malilikom na pondo ay ilalaan ng samahan para sa pag-aaral ng mga anak ng media na kasapi ng NPC at sa pagsasaayos ng NPC building na idineklarang isa sa national historical buildings ng National Historical Commission sa lungsod ng Maynila.
“Muli ay nagpapasalamat ang NPC sa Philracom at Pagcor sa kanilang walang sawang pagsuporta sa proyektong ito na malaking tulong para sa mga kasapi ng media. Ang kanilang suporta ang dahilan kung bakit nasa ika-7 edisyon na ngayon ang karerang ito ngayong taon,” ani Gutierrez.
“Nagpapasalamat din ang NPC sa pamunuan ng MJCI/San Lazaro sa kanilang bukas-palad na pagsuporta sa proyektong ito at sa lahat ng mga horse owners na tumugon sa aming panawagan na lumahok upang tiyakin ang tagumpay nito,” dagdag pa ni Gutierrez.
Ilan pa sa mga sumuporta sa proyekto ay ang CityMall Commercial Centers, Inc,; Container Bridge International; Mr. Edward Vincent Diokno; Mr. Marlon Cunanan, Felipa Mansion; New San Jose Builders; Rep. Ronaldo Zamora ng San Juan City at Pingping’s Lechon.
Comments are closed.