(8 booths itinayo sa MPC, Camp Crame) COVID-19 TESTING PARA SA PULIS UMARANGKADA NA

Camilo Pancratius Cascolan

WALONG booths para sa COVID-19 testing ang itinayo sa Multi-Purpose Center sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.

Ayon kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at chairman ng bagong tatag na Admin Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), ipinag-utos ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagtitirik ng walong booth sa MPC.

Layunin nitong maagapan ang mga pulis na apektado ng coronavirus disease (COVID-19).

Ngayong araw, Abril 6, ay inaasahang sisimulan ang COVID-19 testing para sa mga pulis.

Bukod sa mga booth, napipisil din ng PNP-ASCOTF na gawing quarantine area ang multi-parking area sa harapan ng grandstand.

Ang first floor ay itatalaga sa mga pulis na person under monitoring (PUM), ang second floor ay para sa mild person under investigation (PUI) habang ang third floor ay para sa ‘less severe’ person under investigation (PUI).

Sa pinakahuling ulat, batay sa kumpirmasyon ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac, umabot na sa 14 pulis ang positibo sa coronavirus disease, 237 ang nagpakita ng sintomas o PUI at 1,620 ang PUM. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.