WALONG Chinese nationals na sinasabing sangkot sa bentahan ng loose firearms at kidnapping ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na entrapment operations sa panulukan ng F. Sanchez at P. Villanueva Street, Pasay City nitong Miyerkoles ng gabi.
Bandang alas-10: 30 ng gabi nang isagawa ang entrapment at buy-bust operation sa Unit E at F sa Storey Townhouse sa nasabing lungsod kung saan limang Chinese nationals ang naaresto.
Nabatid na ang tatlo pang Chinese na tinangkang pigilin ang pag-aresto sa 5 Chinese kung saan hinarang pa ang kanilang kotse sa driveway ng townhouse ay inaresto rin ng pulisya sa loob ng kanilang unit.
Narekober sa townhouse ng mga Chinese ang isang Colt Defense 5.56mm, M4 Carbine mounted with sniper scope at silencer; isang Glock 19 9mm pistol; isang cal.45 pistol, magazine assemblies, iba’t ibang uri ng live ammunition, Taser; handcuffs; laptops, mobile phones, assorted ID cards; blank cards at assorted chinese ATM cards.
Ayon sa PNP-CIDG, ang mga nasakoteng Chinese nationals ay sangkot sa illegal recruitment, kidnapping, at gun-running na may modus operandi sa Metro Manila.
Kasalukuyang nasa detention facility ng CIDG Regional Field Unit- National Capital Region (NCR) office ang mga suspek at narekober na mga baril at bala para sa proper disposition at documentation.
Samantala, inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act); RA 8484 ( Access Devices Regulation Act of 1998), at PD 1829 (Penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders) laban sa mga ito.
Pinagbigay-alam naman sa Chinese Embassy ang nasabing insidente kung saan pansamantalang hindi muna ipinalabas ang mga pangalan ng suspek. MHAR BASCO