SUMASAILALIM sa masusing imbestigasyon ng operatiba ng Bureau of Customs ang dalawang warehouse sa San Simon, Pampanga matapos madiskubre sa loob ng mga naturang bodega ang walong imported cigarette-making machines.
Naisagawa ang pagsalakay sa dalawang bodega makaraang magpalabas ng dalawang Letters of Authority (LOA) si Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, bilang armas sa pagpasok sa bodega ng mga tauhan ng Customs Enforcement and Security Service (ESS), at representante ng Port of Clark ang Global Aseana Business Park sa San Simon Industrial Park, San Simon, Pampanga..
Kasabay rin nito ay naki–coordinate ang mga tauhan ng ESS sa Philippine National Police (PNP) at local barangay officials sa naturang lugar upang makasama ang mga ito sa gagawing pagsalakay sa dalawang bodega.
Nakita sa loob ng bodega ang walong makina na maaring makapag-produce ng 400 master cases ng sigarilyo 4,000,000 sticks ng sigarilyo sa bawat araw.
Ayon sa impormasyon, ang dalawang makina ay nagkakahalaga ng P200 milyon.
Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng mga residente batay sa nakalap na mga impormasyon ng ESS kaugnay sa ilegal na operasyon ng mga ito sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo.
Pansamantalang ipinasara ng BOC ang mga nasabing warehouse. FROI MORALLOS