8 KOPONAN MAGHAHATAWAN SA MPVA

Handa nang maghatawan ang walong koponan sa Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) na lalarga sa Linggo, October 22, sa Ynares Center sa Antipolo City. Kuha ni RICK NICOLAS

 

WALONG koponan ang magbabakbakan para sa inaugural title ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) na papalo sa Linggo, October 22, sa Ynares Center sa Antipolo City.

Ipinakilala ang Bacoor, Biñan, Caloocan, Marikina, Nasipit, Negros Oriental, San Juan, at Rizal bilang pioneer teams ng liga na itinatag ni Filipino boxing legend Manny Pacquiao.

Unang sasalang ang Caloocan at Negros Oriental sa alas-3 ng hapon na susundan ng salpukan ng host Rizal at San Juan sa alas-6 ng gabi sa Linggo.

Kagaya sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Pacquiao, home-and-away rin ang magiging format ng MPVA.

“This is a community-based league,” sabi ni MPVA commissioner Mike Tavera sa isang press conference sa Club Filipino sa San Juan City noong Miyerkoles. “We’re trying to source out players from different cities, different provinces.”

Layon ng MPVA na mabigyan ng exposure ang unheralded players.

“We have a lot of talent not just in Metro Manila but all over the Philippines. There are a lot of outstanding players who do not have a platform,” ayon kay MPVA general counsel Glen Gacal.

“[Pacquiao] wants a platform for everyone, especially in the world of volleyball.”

Ilang koponan ang kumuha ng mga dating pros at kasalukuyang collegiate players upang palakasin ang kanilang lineup.

Magbabakbakan sa single-round robin format sa eliminations ang walong koponan bago hatiin sa dalawang grupo sa playoffs, kung saan maglalaban ulit sila upang malaman ang rankings sa quarterfinals.
Tatagal ang inaugural season hanggang Disyembre.

CLYDE MARIANO