8 SASAKYAN INARARO NG VAN: 2 PATAY, 1 KRITIKAL

RIZAL-DALAWA ang patay isa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang araruhin ng 6- wheeler Izusu close van na nawalan ng preno ang walong sasakyan sa Olalia Road, Antipolo City.

Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang isa sa nasawi na si Maria Demaligalig habang ligtas naman na naka-confined sa Amang Rodriguez Medical Center ang mister nito na si Tommy Demaligalig.

Bukod sa nabanggit, isa pang nakamotorsiklo ang namatay at kritikal ang backrider nito na hindi na binanggit ng pulisya ang pangalan.

Samantala, arestado naman ang suspek na si Henry Martin, nasa hustong gulang , driver ng Izusu 6-wheeler close van na may plakang NBE-5794 at nakapiit ngayon sa detention cell ng pulisya.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:20 kamakalawa ng umaga nangyari ang insidente sa Olalia Road, Brgy., Dela Paz sa nasabing lungsod.

Lumilitaw na sakay ng Honda Click motorsiklo ang mag-asawang Demaligalig habang nawalan naman ng preno ang sasakyan ng suspek na unang tinamaan ang nakatambak na hallow blocks at tuloy na inararo ang walong sasakyan kabilang na ang mga motorsiklo.

Nahaharap sa kasong double homicide, serious physical injuries at multiple damage to property ang driver ng 6 wheeler close van. ELMA MORALES