MAYNILA – KINUMPIRMA ni Health Secretary Francisco Duque III na pumalo na sa 80 ang bilang ng mga Pinoy na mula sa cruise ship na MV Diamond Princess, na nagpositibo na sa coronavirus 2019 (COVID-19).
Dahil dito, lumobo na sa 84 ang bilang ng mga Pinoy na dinapuan ng sakit sa ibang bansa.
Ayon kay Duque, mula sa 59 lamang nitong Lunes, nasa 80 na kahapon ang bilang ng mga Pinoy sa cruise ship na dinapuan ng COVID-19.
Paglilinaw naman ni Duque, pawang mild lamang ang nakikitang sintomas sa mga Pinoy at mahigpit nang binabantayan ang lagay ng kanilang kalusugan sa iba’t ibang pagamutan.
Nananatili pa rin naman sa dalawa ang mga Pinoy na may COVID-19 sa United Arab Emirates (UAE), habang tig-isa naman ang nasa Hong Kong at Singapore.
Samantala, pormal nang dumating sa bansa kagabi ang tinatayang nasa 469 na Pinoy na mula sa MV Diamond Princess na nakadaong sa Yokohama, Japan.
Ayon kay Duque, kabilang sa naturang bilang ang 456 na sakay ng cruise ship – anim na pasahero at 450 na crew; siyam na tauhan ng Department of Health (DOH) at apat na opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ani Duque, magkasunod na umalis ng Haneda Airport sa Japan, ganap na 5:00 ng hapon at 7:00 ng gabi, ang dalawang chartered flights na sinakyan ng mga naturang inilikas na Pinoy.
Ganap na 8:30 ng gabi at 10:40 ng gabi ang inaasahang oras nang pagdating sa Haribon Hangar sa Pampanga ng mga eroplano at kaagad na ring idiniretso ang mga ito sa Athlete’s Village sa New Clark City, Capas, Tarlac, upang doon isailalim sa quarantine ng 14 pang araw.
Isinailalim muna sila sa pasusuri at tiniyak na walang sintomas ng sakit bago tuluyang payagang makasakay ng bus patungo sa Haneda Airport. ANA HERNANDEZ ROSARIO
Comments are closed.