800 OPISYAL NG BRGY. KINILALA SA IKA-19 GAWAD GALING BARANGAY SA BULACAN

Malolos

MALOLOS CITY – KINILALA ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ang mga katangi-tanging serbisyo at gawain ng mga opisyal ng barangay at kanilang mga proyekto sa ika-19 Gawad Galing Barangay 2019 na ginanap sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kaninang tanghali.

Halos 800 na mga opisyal ng barangay ang dumalo sa programa bilang pagsuporta sa kani-kanilang mga barangay.

Inihalintulad naman ni Sec. Carlito G. Galvez, Jr., Presidential Adviser on the Peace Process at siya ring panauhing pandangal, ang mga opisyal ng barangay sa katatagan ng isang itak.

Samantala, limang indibiduwal naman ang tumanggap ng plake ng pagkilala at perang gantimpla na nagkakahalaga ng P20,000 bawat isa para sa para­ngal na ‘Most Outstanding Volun­teer Workers’ na kinilala bilang sina Myrna R. Castro, isang miyembro ng Lingkod Lingap Sa Nayon mula sa Brgy. Malawak, Bustos; Marita C. Competente, isang mother leader mula sa Brgy. Pinagbarilan, Baliwag; Jessie SD. Fabon, isang Barangay health worker mula Brgy. Sulucan, Bocaue; Juzarah C. Concepcion, isang barangay training and employment coordinator mula Brgy. Tanawan, Bustos; at Edwin V. Lopez, isang barangay tanod mula Lumang Bayan, Plaridel, habang ang Buklod Lingap Foundation of Bulacan, Inc. mula sa Brgy. Sta. Barbara, Baliwag naman ay kinilala bilang ‘Most Outstanding Volunteer Group’ na tumanggap ng plake ng pagkilala at premyong P50,000.

Gayundin, limang barangay ang tumanggap ng mga plake ng pagkilala at perang gantimpala na nagkakahalaga ng P200,000 bawat isa para sa parangal na Most Effective and Creative Implementation of Barangay Works and Programs na kinabibilangan ng Brgy. Tarcan, Baliwag para sa “Tara Na Tarcan Tungo sa Malinis na Kapaligiran”; Brgy. Poblacion, Pulilan para sa “Katiwasayan sa Kaayusan, Kalikasan at Kapaligiran”; Brgy. Basuit, San Ildefonso para sa “Luntiang Kapaligiran Para sa Malusog na Pamayanan: Bio Intensive Organic Gardening” at Brgy. Caingin sa Lungsod ng Malolos at Brgy. Tibig, Bulakan para sa kanilang slogan na “Mabuting Pamamahala.”

Bukod pa rito, kinilala rin si Kapitan Ryan P. Espiritu mula sa Brgy. Poblacion, Pulilan bilang katangi-tanging ‘Lingkod Barangay’ na tumanggap ng plake ng pagkilala at gantimpalang nagkakahalaga ng P50,000 kasama sina Manolito M. Arrojo, isang barangay kagawad mula sa Brgy. Paco, Obando at Kristine M. Malubay, kalihim ng barangay mula sa Brgy. Banga 1st, Plaridel na kapwa tumanggap ng mga plake ng pagkilala at perang gantimpalang nagkakahalaga ng P20,000 bawat isa.

Ayon kay Espiritu, ang kooperasyon at suporta ng kapwa niya mga opisyal at mga boluntaryo sa barangay ay mahalaga sa matagumpay na pagpapatupad ng mga programa sa kanilang komunidad.

Ipinaalala naman ni Gober­nador Daniel R. Fernando sa mga opisyal ng barangay ang kanilang mahalagang gampanin sa pamayanan at ipinahayag ang kanyang pasasalamat sa kanilang natatanging pamumuno.

Ang GGB ay nakapaloob sa Bulacan Awards Program for Barangay Innovation and Excellence na ipinatupad alinsunod sa Provincial Law No. 03 s. 2006 at sinusugan ng Provincial Law No. 59 s. 2010. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.