80K PULIS IKAKALAT SA SEMANA SANTA

PULIS

NAGSIMULA nang magtaas ng kani-kanilang antas ng seguridad ang iba’t ibang regional police office sa buong bansa bilang paghahanda sa pagpasok ng Semana Santa at paglulunsad ng Oplan: SUMVAC 2019.

Habang aabot sa mahigit  80,000 mga pulis ang ikakalat para pangalagaan ang mapayapang paggunita ng sambayanang Filipino ng Holy Week.

Inihayag ni PNP chief, Gen. Oscar Albayalde bukod sa ide-deploy na puwersa ng bawat police offices sa buong bansa kasama sa minobilisa ang mga ‘tourist police’ sa pagtiyak sa seguridad ng mga turistang inaasahang dadagsa sa mga malalayong lalawigan.

Ayon kay Albayalde, nagsipagtaas na ng alerto ang mga regional police office lalo na sa mga lugar na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista.

Inihayag pa ni Albayalde, sumailalim din sa mga pagsasanay na inilatag ng Department of Tourism (DOT) ang mga  tourist po-lice para  maitalaga sa tourist destination sa bansa.

Bago pa ang pagsapit ng Holy Week nag-ikot na si Albayalde sa iba’t ibang lugar sa bansa para masiguro ang kahandaan ng mga pulis sa ipinatutupad na Oplan Sumvac 2019.

Samantala, sa Metro Manila inihayag ni PNP-NCRPO Director Guillermo Eleazar na  handa na ang kanilang hanay para sig-uraduhin ang kaligtasan ng mamamayan sa paggunita ng Semana Santa 2019.

Dagdag pa niya na dapat gawin nating hard target ang ating mga sarili at ating mga personal belongings para ma-eliminate natin ang oportunidad ng mga taong mayroong masamang motibo at para hindi nila tayo maging biktima.

Kaugnay sa paggunita ng Lenten Season at  Summer Vacation, sinimulan na ring ipatupad ng National Capital Region Police Office ang “Ligtas Sumvac 2019” kasabay ng pagpapakalat ng mahigit 11,500 police officers para mapangalagaan ang seguridad ng publiko kasama ang mga local at international tourists na bumibisita sa Kalakhang Maynila.

Nabatid din na nakapagtala na ng libo-libong mga pasaherong bumiyahe sa mga pantalan sa bansa ang Philippine Coast Guard (PCG).

Mula alas-12:00 ng mada­ling araw hanggang alas-6:00 ng umaga ng Biyernes, Abril 12, umabot sa 47,380 ang total outbound passengers na naitala ng coast guard.

Pinakamaraming naitalang pasahero sa Central Visayas na umabot sa 10,731. VERLIN RUIZ

Comments are closed.