87 DISTRESSED OFWs MULA SAUDI NAKAUWI NA

BALIK-PINAS na ang 87 distressed overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Saudi Arabia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). 

Ang mga repatriate na dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Sabado ay kinabibilangan din ng tatlong bata.

Ayon kay DMW spokesperson Toby Nebrida, hindi nakasama sa pag-uwi ang ilan pang OFWs dahil sa pagkakaantala sa administrative processing ng mga papeles, subalit susunod na rin sila at uuwi sa mga susunod na araw.

Ang mga repatriate ay binigyan ng tig-$200 bilang paunang monetary support Migrant Workers Office ng DMW sa Riyadh, na siya ring nagsaayos ng kanilang flight pauwi.

Nakatakda rin silang tumanggap ng mga benepisyo tulad ng tulong pinansiyal, medical check-up at referral services, gayundin ng psychosocial evaluation at assessment.

Magkakaloob din ang pamahalaan ng transportation services sa OFWs na naninirahan sa lalawigan, gayundin ng overnight hotel accommodations para sa mga may connecting flights.