NAGKAKAHALAGA ang digital economy ng bansa sa P2.08 trillion, na nag-ambag ng 9.4% sa gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa preliminary report ng PSA, tumaas ito ng 11% mula sa P1.87 trillion noong 2021 sa gitna ng pagtaas sa digital transactions,
Ayon sa statistics agency, ang digital economy ay binubuo ng digital transactions digital-enabling infrastructure, e-commerce, at digital media/content.
Sa kabuuang halaga ng digital transactions noong 2022, ang digital-enabling infrastructure ang may pinakamalaking ambag na nagkakahalaga ng P1.60 trillion o 77.2%.
Ang kabuuang halaga ng transaksiyon sa digital-enabling infrastructure noong nakaraang taon ay lumago rin ng 7.5% mula P1.49 trillion noong 2021.
Sa datos ng PSA, ang top two contributors sa ilalim ng digital-enabling infrastructure ay ang telecommunication services at professional and business services na may 30.7% at 27% shares, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang e-commerce ay nag-ambag ng 20% sa kabuuang digital economy noong 2022 na nagkakahalaga ng P416.123 billion.
Ang e-commerce ay lumago ng 26.5% mula P328.836 billion noong 2021.
Ang digital media/content ay P57.41 billion o 2.8% ng kabuuang digital economy. Lumago ito ng 11.8% mula P51.4 billion noong 2021.
Ayon pa sa PSA, ang digital economy ay nakapagbigay ng trabaho sa 6.05 milyong katao noong 2022, tumaas ng 8.2% mula 5.59 milyon na nagtatrabaho sa digital economy noong 2021.