9 BAYBAYIN SA SAMAR POSITIBO SA RED TIDE

POSITIBO na rin sa red tide ang Samar Island kung kaya siyam na baybayin na ang apektado ng naturang toxic organism, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa abiso ng BFAR, ang red tide ay natukoy rin sa Villareal Bay sa Villareal, Samar, base sa latest seawater sampling.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng BFAR na walong baybayin ang kontaminado ng red tide toxins, kung saan ilang bahagi ng dagat ang nagpakita ng red discoloration.

Ang toxins ay nakita sa mga tubig ng Daram Island; Zumarraga Island; Maqueda Bay sa mga bayan ng Jiabong, Motiong, Paranas, San Sebastian, Calbiga, Pinabacdao, at Hinabangan; Cambatutay Bay sa Tarangnan; Irongirong Bay sa Catbalogan City; at sa coastal waters ng Calbayog City, pawang sa Samar province.

Sa Eastern Samar, ang red tide-affected areas ay ang  coastal waters ng Guiuan; at  Matarinao Bay sa mga bayan ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo.

Noong unang linggo ng Hulyo, ang presensiya ng red tide ay natukoy sa tatlong baybayin lamang, ayon sa BFAR regional office.

“Currently, a red discoloration has been observed in the Samar Sea. According to the analysis of seawater taken from this area, there is the presence of Pyrodinium Bahamense, a toxic microorganism that causes paralytic shellfish poisoning (PSP),” ayon sa bureau.

Pinapayuhan ang publiko na huwag mangolekta, magbenta, o kumain ng anumang uri ng shellfish, kabilang ang alamang mula sa Samar Sea.