9 KADETE NG PNPA INIREKOMENDANG SIBAKIN

PNPA

CAVITE – NAGDESISYON na ang pamunuan ng Philippine National Academy  (PNPA) na tanggalin sa akademya ang siyam na kadeteng umano’y direktang sangkot sa pambubugbog sa kanilang anim na seniors noong Marso.

Paglilinaw naman ni PNPA Director, Chief Supt. Joseph Adnol, nagbigay sila ng sampung araw o hanggang ngayong araw, Agosto 22,  para makapaghain ng motion for reconsideration ang mga kadeteng nasangkot sa pambubugbog matapos na ilabas nila ang desisyon noong Agosto 10.

Pag-aaralan, aniya,  ng PNPA ang isusumiteng MR na maaaring makapagbago ng kanilang  desisyon ngunit kung makikita na wala silang matibay na dahilan ay tuluyan nang ipapataw ang mga inilabas na desisyon.

Sa desisyon ng PNPA, siyam na kadete ang matatanggal sa aka­demya, dalawa ay suspendido, dalawa ay na- acquit at 31 ay demerits.

Matatandaang nangyari ang kontrobersiyal na pambubugbog sa anim nilang seniors pagkatapos ng PNPA graduation noong Marso kung saan nagtamo ng head injuries ang biktima na ngayon ay graduate na ng PNPA. REA SARMIENTO

Comments are closed.