LAGUNA – TATLO katao ang kumpirmadong nalunod habang pito sa mga ito ang mapalad na nakaligtas kabilang ang bangkero ng sinasakyan nilang bangkang de motor makaraang aksidenteng tumaob sa bahagi ng Aplaya, Brgy. Lingga, lungsod ng Calamba kamakalawa ng umaga.
Sinasabing galing ang mga biktima sa Wonder Island Resort sa Brgy. Aplaya na kinilala ni Lt. Col. Jac Malinao, hepe ng pulisya na sina Allan Bautista, 42, Michael Antoquia at Ryan Aquinde, pawang residente ng Brgy. Bigaa, lungsod ng Cabuyao nang aksidente umanong tumaob ang sinasakyan nilang bangka dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bandang alas-8:00 kamakalawa ng umaga nang magkayayaan ang tatlong biktima at anim pa sa kaniyang mga kasamahan na nakaligtas ang magkapatid na Allan, 41, at Dalia Grotas, 34, Michelle Alcuran, 33, Marvin Garcia, 36, Ryan Kabandi, 33, isang alyas Talit, at ang bangkero na si Bernie Bariring para mag-picnic sa nasabing resort.
Samantalang matapos ang mahaba nilang kasiyahan kung saan aktong papauwi na ang mga ito nang hindi umano inaasahang aksidenteng tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa gitna ng dagat.
Sa pamamagitan ng tulong ng nagrespondeng elemento ng Phil. Coast Guard, Brgy. Quick Response Team at CDRRMO sa lugar, mapalad na nasagip ng mga ito ang anim sa kanilang mga kasamahan matapos humingi ng tulong sa mga ito ang bangkero na si Bariring.
Unang narekober ng mga ito ang bangkay ni Bautista habang si Antoquia at Aquinde ay magkasunod na natagpuan kahapon ng umaga.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na insidente. DICK GARAY