(9 milyon babakunahan sa loob ng 3 araw) 11K VAX SITES, 160K VOLUNTEERS PINAKILOS

TINATAYANG nasa 11,000 vaccination sites at 160,000 volunteers ang inaasahang pakikilusin at imomobilisa ng gobyerno sa buong bansa simula kahapon para mabakunahan ang 9 milyon Pilipino savloob ng tatlong araw na national vaccination day.

Target ng three-day vaccination campaign na mapabilis ang inoculation  rate ng local government units (LGUs) partikular sa mga first vaccine dose, target ang 70 porsiyento ng populasyon.

Kahapon ay pinasimulan na ang National Vaccination Day sa pagsisikap na mabakunahan ang may 9 milyon katao laban sa COVID-19  hanggang Miyerkules.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez, Jr.”Handang handa na po ang buong sambayanan sa ating Bayanihan, Bakunahan. Prepared na prepared na po ang ating National Vaccination Operations Center.”

‘Nakatutuwa po na talagang karamihan sa lahat ng LGUs natin ay prepared na prepared at very motivated po sila na talagang pag-igihan at mag-participate sa Bayanihan, Bakunahan,” dagdag pa nito.

Nabatid na karamihan ng transport vehicle ng PNP at AFP ay minobilisa para maghatid ng bakuna sa mga malalayong lalawigan .

Isinabak din ng PAF ang kanilang mga air asset at pinakilos naman ng Philippine Navy ang kanilang mga sea vessel para maihatid ang mga kinakailangan bakuna at he­ringilya (syringe) na gagamitin sa pagbabakuna.

“Kailangan talagang buuin ‘yung 2nd wave ng vaccination days dahil kapag tumaas ang ating vaccination, we need to follow up ‘yung ating second do­sing,” diin ni Galvez.

Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng gobyerno ang pagtuturok ng booster shot para sa A4 category sa unang Linggo ng Dis­yembre.

“More or less 61 million doses naman ang ating stockpile. So ibig sabihin, we have more than enough vaccines for the booster shots, without losing our focus for our A1, A2 and A3 categories,” paliwanag pa ng kalihim.

Samantala, kasaluku­yang pinag- aaralan ng mga dalubhasa kung mas nakakamatay ba ang Omicron variant kumpara sa ibang variants.

Sa ngayon, ang B.1.1.529 variant ang siyang sinisisi sa surge ng infections sa South Africa at nakita na rin sa ibang bansa sa Europa.  VERLIN RUIZ