IGIIIT ng Regional Task Force Ending Local Communist Armed Conflict 6 (RTF-ELCAC 6) na legal ang pagsalakay na ginawa ng mga sundalo at pulis sa mga tanggapan ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis at National Federation of Sugar Workers sa Negros Occidental kung saan siyam na high value target ang kasama sa may 55 katao na ang naaresto.
Kabilang sa mga nadakip ang 14 na menor de edad, habang umaabot naman sa 32 na mga armas ang nakumpiska ng militar at pulisya sa isinagawang pagsalakay sa bisa ng inisyung warrant ng korte.
Ayon sa RTF-ELCAC 6, armado ng search warrant dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law) na inisyu ni Hon. Cecilyn Burgos Villavert, Executive Judge ng RTC Branch 89 sa Quezon City, sinalakay ng pinagsamang elemento ng AFP/PNP ang mga hinihinalang pinaglulunggaan ng mga komunistang rebelde sa Brgys. 33, Batang, at Taculing sa Bacolod City bandang alas-5:45 kamakalawa ng hapon.
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang implementasyon ng search warrants sa apat na tanggapan ng mga militanteng grupo.
Sa bisa ng apat na mga search warrant, ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 kasama ang 3rd Infantry Brigade ng Philippine Army, Bacolod City Police Office at Negros Occidental Police Provincial Office ang opisina ng Gabriela Partylist sa Purok Himaya, Brgy. Bata; Anak-Pawis sa Purok Riverside, Brgy. Bata; at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Brgy. 33 at Brgy. Taculing
Nanindigan si Philippine Army 3rd Infantry Division spokesman Capt. Cenon Pancito na lehitimo ang operasyon laban sa “high value” targets na umano’y may kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Kinilala ni Pancito ang mga nadakip na HVI na sina John Milton Lozande; Noli Lazera Rosales; Proceso Quiatchon; Albert Delacerna; Mary Anne Krueger y Villasica / Mary Anne DeLa Concepcion; Romulo Bito-on; Amaylin Chin-chin Bito-on; Danilo Tabura y Nacario at Roberto Lachica y Dorio.
Sa impormasyon ng militar, ginagamit ang mga tanggapan bilang training ground ng “Red Fighters” ng NPA.
Bukod sa mga armas, narekober din sa raid ang mga subersibong dokumento.
Ayon naman sa mga naaresto, “planted” at hindi sa kanila ang mga nakumpiskang armas. VERLIN RUIZ
Comments are closed.