90-DAY LOAN PAYMENT MORATORIUM IGINIIT SA BAYANIHAN 2

Rufus Rodriguez

SA pagpapatuloy ng bicameral  conference meeting para sa pinal na bersiyon ng ‘Bayanihan We Recover as One’ Act o Bayanihan 2, iginiit ng isang Mindanaoan lawmaker ang probisyon para sa pagpapatupad ng tatlong buwan o 90-day loan payment moratorium ng mga nasa hanay ng small and medium enterprises.

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, ang mungkahi niyang ito ay maaaring ituring bilang ‘compromise’ sa magkaibang panukala ng Senado at Kamara hinggil sa pagpapatupad ng loan payment moratorium sa ilalim ng Bayanihan 2.

“I am proposing three months, instead of one year as suggested by the House or one month as contained in the Senate version of the bill,” sabi pa ng mambabatas kung saan nabatid na  ang kinokonsidera ngayon ng bicam panel ay ang two- month o 60-day moratorium sa pagbabayad ng utang ng small and medium businesses bunsod na rin COVID-19 pandemic.

Naniniwala si Rodriguez na hindi sapat ang isa o dalawang buwan na grace period para sa small entrepreneurs at borrowers, na ang mga negosyo ay patuloy pa ring nahihirapang makaahon sa ngayon.

Habang ang isang taon na ‘tigil-bayad’ naman, aniya, ay magbibigay lamang ng malaking suliranin para sa mga nasa micro-finance industry (MFI).

“I agree with the Bangkok Sentral ng Pilipinas (BSP) and the Bankers Association of the Philippines that a one-year grace period will be disastrous to our banking industry and to our economy,” pagbibigay-diin ni Rodriguez.     ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.