SISIKAPIN ng Pilipinas na makamit ang ‘A’ credit rating, ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sa kanyang pagharap sa budget hearing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC), sinabi ni Pangandaman na kailangang magtulungan ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang matulungan ang bansa na makamit ang credit rating goal nito.
Noong Hunyo ay pinagtibay ng Fitch ang ‘BBB’ investment-grade credit rating ng Pilipinas at pinananatili ang stable outlook nito
Ang ‘BBB’ rating ay nangangahulugan ng “low risk of default and adequate capacity to pay”, habang ang “stable” outlook, ay nagpapahiwatig ng mababang posibilidad ng pagbabago ng rating sa susunod na isa o dalawang taon.
Ang ibang major credit rating agencies tulad ng S&P at Moody’s ay pinanatili rin ang kanilang investment grade rating para sa bansa.
Pinanatili ng Fitch ang ‘BBB’ rating, stable outlook para sa PH.
Ang mas mataas na credit rating ay nangangahulugan na ang Pilipinas ay maaaring mangutang mula sa foreign lenders sa mas mababang halaga.
Subalit ang ekonomiya ng bansa ay kailangang lumago sa 6 hanggang 7 percent kada taon at tuloy-tuloy na mabawasan ang deficit sa susunod na apat na taon upang makakuha ng credit rating upgrade.
Inaasahan ng DBCC na bababa ang deficit mula 5.6 percent ng gross domestic product (GDP) sa 2024 sa 3.7 percent ng GDP sa 2028.
Samantala, ang debt-to-GDP ay inaasahang bababa mula 60.6 percent sa 2024 sa 56.0 percent sa 2028.
Ang ekonomiya ng bansa ay lumago ng 6.3 percent sa second quarter ng 2024 sa gitna ng pagsigla ng construction.