Napapagkwentuhan lang naman ito. Sabi nga nila, wento-wento, wa wenta. Gusto ko lang i-share ang isang karanasan sa aking buhay na napakatagal nang nangyari ngunit tuwing maaalala ko ay natatawa pa rin ako sa aking sarili.
Bago pa lamang ako noon sa America. Actually, ikalawang araw ko pa lamang kaya sa totoo lang, wala pa akong kaalam-alam. Isama mo pa yung nag-a-adjust ako sa oras bukod pa sa tinatawag nilang culture shock, dahil kahit Manileño ako na masasabing moderno sa maraming bagay kumpara sa mga lumaki sa probinsya, iba pa rin talaga ang kultura ng mga Americans. Pero mind you, hindi ako nagpapahalata. Trying hard maging americanini.
Ganito po ang kwento.
Dahil bagong dating sa US, syempre sasakay ako ng bus papunta kung saan man, na hindi ko na matandaan. Nang makarating ako sa Bus Stop na walking distance lang naman sa bahay na aking tinutuluyan, agad kong napansing may sign. “No Standing.”
‘Patay!’ naisip ko. Sabi pa naman ng mga kasamahan ko, mahigpit ang mga pulis dito. Kapag nagkamali ka, kalaboso ka didiretso. Ibig bang sabihin, kararating ko lang, made-deport na agad ako?
Naghanap ako ng mauupuan sa bus stop pero wala, kaya nag-squat na lang ako. Sa isip ko lang, ang hirap palang sumakay ng bus sa US. Sa pag-aabang pa lang, pagod ka na. Ano kaya kung mag-taxi na lang ako?
Pero naisip ko rin, konti lang ang pera ko. Kailangang magtipid. Kung sa Pilipinas nga mahal ang taxi, sa US pa kaya?
Matagal na akong naka-squatbat pagod na ako kaya pumunta ako sa kalapit na building para makatayo ako ng maayos. Finally, may nakita akong kakilalang nag-aabang din ng bus, at sa pagtataka ko, bakit nakatayo siya, wala namang sumisita?
Nang makasabay na kami sa bus, gustong gusto ko sana siyang tanungin kung bakit hindi siya sumunod sa karatula, pero magkalayo kami ng upuan kaya tango at ngiti na lamang ang aming naging batian.
But then, suddenly, biglang may nag-‘ting’ sa utak ko nang makita kong hindi tulad sa Pilipinas na siksikan sa bus, dito sa US, walang nakatayo. Ni walang kunduktor dahil maghuhulog lang ng coins sa machine bago pumasok. Na-realize ko, “NO STANDING” pala sa loob ng bus, hindi sa bus stop.
Napatawa ako ng malakas — for my stupidity — at pinagtinginan ako ng lahat na para bang may tumubong mga sungay sa noo ko.
Marami pa akong kabalbalang pinaggagawa noong bago pa ako sa US, ngunit ito talaga ang pangyayaring kahit siguro magkaroon ako ng Alzheimer’s disease ay hinding hindi ko kalilimutan.
By the way, may kotse na ako ngayon at hindi na ako sumasakay sa mga bus. Ngunit tuwing mapapadaan ako sa mga bus stop at nakakakita ako ng “No Standing” signs, I can’t help but smile.
BONG MARQUEZ