ABS-CBN NANGANGANIB MAG-RETRENCH SA AGOSTO ‘PAG WALA PA RING PRANGKISA

CEO Carlo Katigbak

POSIBLENG magbawas na ng mga empleyado sa Agosto ang broadcast giant ABS-CBN kapag hindi pa rin ito nakakuha ng prangkisa, ayon kay president and CEO Carlo Katigbak.

Sa pagdinig ng Senate committee on public services, sinabi ni Katigbak na mula nang mawala sila sa ere noong Mayo  5, siniguro nila sa kanilang mga empleyado  na hindi sila mawawalan ng trabaho sa loob ng susunod na tatlong buwan.

“We felt it would be very, very painful to put our employees out on the street without them having an idea as to how they can continue earning a living and continue to feed their families,” ani Katigbak.

Subalit sa ngayon, aniya, ay malaking halaga na  ang nawala sa network at kung hindi sila makababalik sa ere ay posibleng sa Agosto ay mapilitan na silang magbawas ng mga empleyado.

“We continue to lose a substantial amount of money every month and I’m afraid that if we cannot get back on air soon, by August, we may already have to consider beginning a retrenchment process,” sabi ni Katigbak sa mga senador.

Napag-alaman na ang ABS-CBN ay nawawalan ng P30 million hanggang 35 million na kita sa advertisement araw-araw magmula nang magsara ang network.

Sa urgent motion na kanillang inihain sa SC noong Lunes, sinabi ng ABS-CBN na kapag nagpatuloy ang ‘severe financial hemorrhage’ na ito ay mapipilitan silang magbawas ng mga empleyado, suweldo at benepisyo, gayundin ng mga gastusin.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.