ABS-CBN OFF THE AIR PA RIN, SC ‘DI NAGLABAS NG TRO

SC-ABS-CBN

MANANATILING sarado ang ABS-CBN makaraang hindi aksiyunan ng Supreme Court ang apela para sa kagyat na pagbabalik ng operasyo ng giant network.

Sa halip ay inatasan ng SC ang National Telecommunications Commission (NTC) at ang Kongreso na magsumite ng komento sa petisyon ng ABS-CBN na kumukuwestiyon sa cease and desist order, dahilan para magsara ang network sa kaagahan ng buwan.

Ayon kay court spokesman Brian Keith Hosaka, binigyan ng SC ang  NTC, ang Kamara, at ang Senado ng 10 araw mula sa pagkakatanggap ng notice para sagutin ang petisyon.

Ang NTC lamang ang respondent sa petisyon ng ABS-CBN ngunit isinama ng mga mahistrado ang Kongreso at inatasan din ito na maghain ng komento.

Binigyan ang NTC ng limang araw para sagutin ang mga komento na ihahain ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Hiniling ng ABS-CBN sa SC na maglabas ito ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang pagpapatupad ng cease and desist order, na ayon sa network ay inisyu nang walang notice at hearing, at nakaapekto sa kanilang 11,000 empleyado.

Ang NTC ay nagpalabas ng cease and desist order laban sa network noong Mayo 5, isang araw makaraang mapaso ang prangkisa nito. PMRT

Comments are closed.