INAASAHAN ang mainit na bakbakan nina Calvin Abueva at rookie Mikey Williams para sa PBA Philippine Cup Best Player of the Conference award.
Tangan nina Abueva at Williams ang 1-2 spots sa overall rankings sa pagtatapos ng quarterfinals series at inaasahan ang kanilang labanan hanggang sa huli makaraang umabante ang kani-kanilang koponan — Magnolia at TnT Tropang Giga — sa semifinals.
Napanatili ng 33-anyos na si Abueva ang kanyang no. 1 position na may kabuuang 36.4 statistical points, habang pumapangalawa si Williams, ang talentadong Tropang Giga freshman, na may 35.0 sps.
Si Abueva ay may average na double-double na 15.8 points at 10.7 rebounds per game, at nagdagdag ng 2.7 assists at 1.3 block shots sa kanyang unang season sa no. 3 seed Hotshots, habang si Williams ay may 17.7 points – no. 1 sa hanay ng rookies – 4.5 rebounds, 3.8 assists, at 1.2 steals para sa top seeded Tropang Giga.
Makakasagupa ng Magnolia ang no. 2 Meralco, habang makakaharap ng TnT ang fourth seed San Miguel sa pares ng best-of-seven series na mag-sisimula ngayong Linggo sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.
Nasa ikatlong puwesto si prolific NorthPort guard Robert Bolick na may 33.7 sps, subalit sa pagkakasibak ng Batang Pier ay nawalan na siya ng tsansa para sa top individual award ng torneo.
Apat na iba pang players ang inaasahang aangat sa rankings at bibigyan sina Abueva at Williams ng magandang laban makaraang umusad ang kani-kanilang koponan sa semis.
Si Magnolia big man Ian Sangalang ay kasalukuyang nasa no. 4 na may 32.3 sps. May average siya na 16.8 points at 8.0 rebounds at umakyat ng isang puwesto mula sa no. 5 sa pagtatapos ng eliminations.
Nasa nos. 5 at 6 naman ang San Miguel pair nina CJ Perez at Arwind Santos na may 31.5 at 30.5 sps, ayon sa pagkakasunod. Dating tangan ni Perez, ang two-time scoring champion, ang sixth spot, habang si Santos, ang 2013 MVP, ay dating nasa no. 8.
Umangat din sa individual standings si sixth-time MVP June Mar Fajardo, na nakapasok na sa Top 10 sa no. 8, mula sa dating no. 12. Ang 6-foot-9 Cebuano ay nakalikom ng 29.8 sps sa averages na 11.7 points at 10.1 rebounds.
355589 393325As I website owner I believe the content material material here is extremely superb, thanks for your efforts. 921617