ACADEMIC YEAR, UNTI-UNTING IBABALIK SA DATI

DAHIL  umano mas gusto ng mga tao, nagdesisyon ang Department of Education (DepEd) na unti-unting ibalik sa dati ang academic calendar. Ayon sa kanilang ginawang mga konsultasyon, mas marami ang may gustong ibalik sa June to March ang schedule ng school year.

Ang kasalukuyang academic year (2023-2024), matatapos ang pasukan sa huling araw ng Mayo imbes na ika-14 ng Hunyo. Nakasaad ito sa DepEd Order No. 3, series of 2024.

Sa susunod na academic year (2024-2025), magbubukas ang klase sa ika-29 ng Hulyo at magtatapos sa ika-16 ng Mayo 2025.

Sa academic year 2026-2027, ang pagbubukas ng klase ay magiging Hunyo na, at matatapos sa buwan ng Abril.

At sa school year 2027-2028, balik na sa dati ang schedule—Hunyo hanggang Marso.

Matatandaang nagbago ang schedule ng academic year sa Pilipinas noong panahon ng pandemya.

Naging Oktubre ang pagbubukas ng klase noong taong 2020, at naurong pa ito sa Agosto nang mga sumunod pang mga taon.

Nagsimula ang panawagan na ibalik sa dati ang schedule dahil sa sobrang init na nararanasan sa Pilipinas sa mga buwan ng Abril at Mayo. Nahihirapan umanong mag-aral ang mga bata sa loob ng klase at maging ang mga guro ay apektado rin. Kasama na rin dito ang hirap sa byahe dahil sa init ng panahon.

Lumabas sa balita ang ilang mga insidente ng pagkakasakit at pagkahimatay ng mga estudyante sa ilang mga paaralan nitong mga nagdaang taon. Maaalalang nasa isandaang estudyante sa Gulod National High School Mamatid Extension sa Cabuyao, Laguna ang naospital nitong 2023 dahil sa dehydration.