IPINAG UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa PNP Civil Security Group at police regional offices na magsagawa ng ‘accounting’ sa lahat ng kanilang protective agents.
Ito ay kasunod ng mga lumalabas na ulat na ilang licensed protective agents ang sangkot sa mga violent incident o krimen.
Kabilang sa hanay nito ang mga nagsisilbing bodyguard sa ilang VIPs, politiko kasama ang mga dayuhang mayroong malalaking negosyo sa bansa.
“As a general rule, licensed Protective Agents must be covered by Special Duty Detail Order (SDDO) from the PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies(SOSIA) authorizing them to carry firearms and perform bodyguard duties for their protectees,” ayon kay Azurin.
Aniya, dapat din na may hawak na Authority to Deploy Protection Agents ang Protection agents mula sa office of the PNP chief na may bisa ng isang taon o mula naman sa The Deputy Chief for Operations na may bisa ng anim na buwan at SDDO na inisyu ng CSG – SOSIA.
Paliwanag ni Azurin, ang PNP CSG-SOSIA, katuwang ang police districts sa National Capital Regional at iba pang police regional offices ay inaatasang magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng private security personnel na nagsisilbi bilang mga protective agent.
Ikinakasa na rin ng PNP CSG-SOSIA, kasama ang Police Districts sa National Capital Regional at sa Police Regional Offices na may nasasakupan Philippine Offshore Gaming Operations ( POGO) na magsagawa ng inspection sa lahat ng private security personnel na nakatalaga sa mga establisimyento bilang tanod, security guards, at protective agents.
Ang hakbang ay upang lansagin ang mga hindi awtorisadong security personnel sa POGO establishments at iba pang industriya na nasasangkot sa ilang ilegal na aktibidad o krimen. VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO