ACCREDITATION NG ‘KONSULTA’ PROVIDERS PINAMAMADALI

HINIMOK ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes ang Philippine Health Insurance Corp. (Phil- Health) na maging aktibo at mas pabilisin pa ang pag-apruba sa accreditation ng iba’t ibang health clinics o medical service providers para sa ipinatutupad ng huli na Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package.

Base sa datos na nakalap ng neophyte party-list solon, nitong nakaraang Marso 31, 2023, umaabot lamang sa 1,931 ang bilang ng accredited ‘Konsulta’ providers, na malayo sa target o kinakailangan na 5,014.

“Kulang na kulang pa po ang mga providers para maserbisyuhan ang dami ng ating mga PhilHealth members. Sana po paigtingin pa ng Philhealth ang paghikayat sa mga providers na magpa-accredit at maging bahagi ni Konsulta Package program,” ang apela ni Reyes sa state health insurer.

“Napakahalaga po ng proyektong ito ng PhilHealth dahil sa pamamagitan nito mabibigyan natin ng serbisyo ang ating mga kababayan lalo na sa mga lugar na hindi madali ang access sa primary healthcare,” dagdag pa niya.

Pagtitiyak ni Reyes, lubos na sinusuportahan ng AnaKalusugan party-list ang nasabing programa ng PhilHealth at binigyang-diin ang kahalagahan na mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na magkaroon ng access sa free primary care service ng gobyerno.

“We want this initiative to succeed because it is fully in line with AnaKalusugan’s vision to make healthcare accessible to Filipinos.” dagdag pa ng kongresista.

-ROMER R. BUTUYAN