KAPUWA nagpahayag ng kahandaan sina Magnolia Hotshots coach Chito Victolero at Alaska Aces mentor Alex Compton sa kanilang best-of-seven title showdown sa PBA Governors’ Cup na bigong maidepensa ng Barangay Ginebra.
Sa isang press conference, sinabi nina Victolero at Compton na handang-handa na ang kanilang mga bataan sa una nilang paghaharap sa championship matapos magwagi sa kani-kanilang semifinals match na may magkatulad na 3-1 kartada.
Bilang mga player ay hindi nagkaharap sina Victolero at Compton sa PBA, kundi sa defunct Metropolitan Basketball Association (MBA) ni Commissioner at four-time PBA MVP Ramon Fernandez.
Sa ekspertong gabay ni Victolero, sinibak ng Magnolia ang Barangay Ginebra, 112-108, habang pinatalsik ng Aces ang Meralco, 99-92, upang maisaayos ang finals showdown.
Determinado si Victolero na kunin ang titulo at mapasama sa ‘elite club of champions’ at mapanatili ang korona sa gusali ng San Miguel Corporation kung saan naghihintay si team owner Ramon S. Ang matapos mabigo ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
“We’re ready for the big fight ahead. We’re hungry for the title. We will play with fire and intensity and resiliency throughout the playoff. We made some adjustments and necessary corrections in the departments where we are weak,” sabi ni Victolero.
Inamin ni Victolero na mabigat ang kanilang pagdaraanan at kailangang kumayod nang husto ng kanyang tropa, sa pangunguna ni import Romeo Travis, para makamit ang minimithing tagumpay.
“Alaska is dangerous and known for their solid rock defense. We have to be physically and mentally prepared against them. Playing against Alaska is no joke. You have to play above board to win,” wika ni Victolero.
Hindi sinabi ni Victolero kung maagang matatapos o aabot sa Game 7 ang serye.
“It’s hard to predict the outcome of the championship. It depends on the performances of the players,” aniya.
Samantala, sinabi ni Compton malaki ang paggalang niya sa kakayahan ni Victolero at sa mga bataan nito.
“To be honest, I respect Victolero. He’s a good coach. He has bunch of good shooters and Travis is good both in both offense and defense,” pahayag ni Compton.
Tulad ni Victolero, kumpiyansa rin si Compton sa kakayahan ng kanyang tropa, lalo na kay import Mike Harris.
“We’re all set and ready. I talked to my players right after we beat Meralco and reminded them to showcase their agility and dexterity in the finals to win the coveted plum,” ani Compton.
Matagal nawala sa title picture ang Alaska mula nang lisanin ito ni coach Tim Cone matapos bigyan ang Aces ng 11 titles mula noong 1991, kasama ang pambihirang grandslam noong 1996, bago lumipat sa team ni RSA at hinawakan ang Purefoods na ngayon ay Magnolia.
Determinado si Compton na wakasan ang mahabang tagtuyot at ibalik ang Alaska sa dati nitong kinalalagyan.
Ang Game 1 ay gaganapin sa Dec. 5 sa Mall of Asia Arena. CLYDE MARIANO
Comments are closed.