ACT-CIS PINAGKAKATIWALAAN, SUMBUNGAN NA NG BAYAN-CONG. YAP

Eric Go Yap

Kapansin-pansin na tuwing budget hearing sa Kongreso ay may binabasa sa kanyang cellphone si ACT-CIS Congressman at House Appropriations Chairman Eric Yap ang mga anomalya sa ilang tanggapan ng pamahalaan na ipinaparating sa kanya ng publiko.

Paliwanag ni Cong. Yap na may boses na ngayon ang taong bayan para  isumbong at iparating ang impormasyon  na nagaganap katiwalian sa isang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Yap, binabasa niya sa harap ng mga opisyal ng ahensya na nagre-request ng budget sa kanyang komite ang hindi magandang nangyayari sa kanilang mga tanggapan.

“Minsan ang mga empleyado na rin ang nagsasabi sa pamamagitan ng text, viber, email, o facebook na wag taasan ang budget ng kanilang ahensya dahil winawaldas lang naman daw ng mga bossing,” ayon kay Yap.

“Sa kanila ko rin nalalaman ang mga anomalya na nangyayari at pinapasagot ko ang mga opisyal sa harapan ko,” dagdag pa ng kongresista.

Isang halimbawa ang text ng isang negosyante na kinikikilan siya sa bureau of customs na kaagad inilapit ni Yap sa National Bureau of Investigation (NBI).

Kabilang sa mga reklamo ay mababang sahod at kakulangan sa gamit ng isang opisina ng pamahalaan sa kabila na may sapat namang budget na inilaan ng pamahalaan.

Babala ni Yap sa mga opisyal ng ahensya na ayusin ang kanilang mga trabaho dahil madali ng naipaparating sa kanya ang mga sumbong ng taong bayan sa pamamagitan lang ng text, email at social media. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.