(AFC Women’s Olympic qualifiers)FILIPINAS MINASAKER ANG TAJIKISTAN, 8-0

BINOKYA ng Philippine national women’s football team ang host country Tajikistan, 8-0, nitong Sabado upang mapalakas ang kanilang tsansa na makausad sa second round sa 2024 AFC Women’s Olympic Qualifying Tournament.

Maagang nanalasa ang Filipinas, umiskor ng anim na goals bago ang halftime na may limang sunod sa loob ng wala pang 15 minuto, na sinindihan ng goal ni Sofia Harrison sa 26th minute, na sinundan nina Tahnai Annis (28’), Carleigh Frilles (31’), Quinley Quezada (35’), at Meryll Serrano (38’). Sinelyuhan ng goal ni Maya Alcantara goal ang mainit na first half.

Hindi nagpahuli si Chandler McDaniel nang gumawa ng dalawang goals sa second half sa 60th at 89th mark.

Ang panalo ay naglagay sa Filipinas sa ibabaw ng Group E na may 6 points, angat sa Hong Kong sa goal difference, matapos ang 4-0 panalo sa Pakistan noong Miyerkoles.

Susunod na makakaharap ng mga Pinay ang Hong Kong sa Martes.

Tanging ang mangungunang koponan sa pagtatapos ng first round ang aabante sa susunod na stage ng qualifiers.