KASALUKUYANG nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa sa iba’t ibang law enforcement agencies ng pamahalaan para tumulong sa pagtiyak na magiging maayos at payapa ang gaganaping kapistahan ng Poong Hesus Nazareno partikular sa tradisyonal na Traslacion.
Bukod sa intelligence gathering ay handa ring mag-deploy ng sapat na puwersa ang AFP-Joint Task Force NCR para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa tradisyon ng mga namamanata.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad, magdadagdag ng puwersa ang militar para tumulong sa pagbibigay seguridad sa Traslacion.
Magugunitang idineklara ng Malacañang ang Enero 9, 2025 bilang special (non-working) day sa Lungsod ng Maynila kaugnay sa selebrasyon ng kapistahan ng Poong Nazareno na inaasahang dadaluhan ng milyon milyong deboto.
Nakasaad ang deklarasyon sa Proclamation No. 766 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Nasa mahigit 12,000 pulis naman ang ikinasang idedeploy ng PNP-National Capital Regional Police Office sa kasagsagan ng Kapistahan, habang mahigit dalawang libo naman ang suporta mula sa partner nitong mga ahensya.
VERLIN RUIZ