CAMP AGUINALDO- PINAGHAHANDAAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang maayos na pamamahagi ng anti-coronavirus vaccine sakaling dumating na sa bansa ang bakuna mula sa China.
Ayon kay AFP Spokesman Maj. General Edgard Arevalo makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang military ang implementing arm sa distribusyon ng bakuna ay inatasan na ni AFP Chief of Staff General Felimon Santos, Jr. ang kanyang mga staff upang pagpaplanuhan at paghandaan ang distribution ng bakuna bago sumapit ang Disyembre.
“Mataas ang morale ng mga sundalo sa malaking tiwala sa AFP ng ating commander-in-chief,” ayon kay Arevalo.
Kabilang sa inatasan ng Pangulo na mangasiwa sa gagawing contagion response ng Filipinas sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior Secretary Eduardo Año, Peace Process Adviser Secretary Carlito Galvez Jr, at Environment Secretary Roy Cimatu.
Una rito inihayag ng China Foreign Ministry na prayoridad ng bansang China ang Filipinas sa sandaling maging available na ang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa tagapagsalita ng China foreign ministry ang Filipinas ay “close neighbor” at kaibigan ng China kaya prayoridad ito sa bakuna. VERLIN RUIZ
Comments are closed.