SA rami ng pelikulang nagawa at awards na napanalunan, kung tutuusin, wala nang dapat patunayan pa ang tinaguriang “Golden Boy of Philippine Cinema” na si Aga Muhlach.
Sa tagal kasi niya sa industriya, marami na siyang napatunayan bilang actor.
Si Aga lang ang bukod-tanging actor na sa kanyang edad na 50 ay nakakapagbida pa at puwedeng mamili ng kanyang role.
Pero, sa kanyang MMFF entry na “Miracle in Cell No.7”, abot-abot daw ang kaba niya nang ginawa ang pelikula.
Katunayan, kahit sobra siyang na-excite na gawin ito, labis-labis din ang naging stress niya kung paano aatakehin ang kanyang role bilang Jose-lito.
Pangalawang beses na ginampanan ni Aga ang ganitong klaseng role at ang una ay sa Nag-iisang Bituin noong 1994 kung saan nakasama niya si Vilma Santos.
Kuwento pa niya, sa Miracle in Cell No.7 ay talaga raw lampas-ulo ang kaba niya before the shoot.
“It was really stressful. Kasi, ito lang ang pelikulang ginawa ko na lahat, binitawan ko. Family, golf, sports, work-out, diet, lahat. Kung ano ‘yung ginagawa ko, tanggal lahat ‘yan. Ito lang itong pelikulang ‘to,” sabi ni Aga.
Aniya, kahit adaptation daw ito o remake, sinadya raw niyang hindi panoorin ang orihinal na Korean version nito dahil ayaw niyang maimpluwensiyahan ang acting niya.
Gusto niyang angkinin ang kanyang role at ayaw niyang isipin ng mga tao may ginagawa o peg sa kanyang very challenging role. Hirit pa niya, palagi raw niyang sinasabi kay Direk Nuel Naval at sa scriptwriter na si Mel del Rosario na hindi niya alam ang kanyang gagawin kung paano isasabuhay ang karakter.
“How do I do it? ‘Yun ang stress na inabot ko and ayun, nagawa namin, hindi ko alam kung paano. Actually, organic process siya,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, nag-base rin daw siya sa mga komento ng kanyang director at asawa para makumbinsi siyang tama ang ginagawa niyang pag-atake sa nasabing role.
“Kailangan lang, hindi ka maging normal. So, bawat eksena, bawat take, pag action, arte ka, pag-cut, parati ang feeling mo, mali. Kasi, hindi normal, eh. Parati akong mali,” esplika niya. “Kaya na-stress ako, Talagang na-depress talaga ako. Sabi ko, ‘oh my God.’ Tapos sinabi ng asawa ko sa akin, ‘eh if you don’t feel normal, that means you’re good.’ Oo nga, may point, di ba?,”pahabol niya.
Noong hindi raw nag-cringe o naasiwa ang director sa ginagawa niya, doon lamang daw siya nakampante na he’s on the right track.
Pagbabahagi pa niya, nakapag-build din daw ng self-confidence niya nasa kasama niya sa kanyang mga eksena ang mga dekalibreng actor tulad nina John Arcilla, Joel Torre, Tirso Cruz III, Mon Confiado, Soliman Cruz, JC Santos at Jojit de Nero kaya naging maganda ang performance niya after the take.
Excited si Aga na after 26 years, balik siya sa MMFF. Huling pelikula niya sa MMFF ang “May Minamahal” noong 1993 kung saan nakatambal niya si Aiko Melendez.
Sey pa niya, na-miss daw niya ang pagsali sa taunang piyesta ng pelikulang Pilipino na nilo-look forward ng bawat pamilya.
“Sumali ako sa MMFF kasi, gusto kong makasama ‘yung mga pinagkakaguluhan ng mga artista ngayon, like sina Vice (Ganda), sina Coco (Martin), sina Vic Sotto, kasi pag pinag-uusapan parati ‘yan, sabi ko, ‘ang sarap siguro silang makasama.’ Parang ganu’n. So, parang ‘yun ang pinapangarap ko, sana magkaroon ako ng pelikulang ganu’n na parang, Feeling ko, mas less pressure ang festival kesa mag-showing ka sa gitna ng taon. Kasi, puro ganu’n ako, eh,” pagtatapos niya.
Kasama rin sa Pinoy adaptaion ng Miracle in Cell No. 7 ang bagong child wonder na si Xia Vigor at acclaimed actress na si Bela Padilla.
Ang Miracle in Cell No. 7 na pinagbidahan sa orihinal nina Ryu Seung-Ryong at Kal So Won ang isa sa mga highest grossing films of all time sa Korea.
Katunayan, dahil sa ganda na kuwento nito, ginawan na rin ito ng adaptation sa Turkey at India.
Habang sinusulat ito, napiling Star of the Night si Aga sa katatapos na 45th MMFF Gabi ng Parangal.
Comments are closed.