AGAWAN SA 2-1

Ginebra and Bolts

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

6:30 p.m.- Ginebra vs Meralco

Game 3, Serye tabla sa 1-1

 

MAG-AAGAWAN ang Barangay Ginebra at Meralco sa 2-1 bentahe sa Game 3 ng best-of-7 PBA Governors’ Cup Finals ngayon sa Ara­neta Coliseum.

Magsasagupa ang Gin Kings at Bolts sa  alas-6:30 ng gabi kung saan kapwa determinado ang dalawang koponan na makopo ang panalo at lumapit ng dalawang hakbang sa pagkopo ng korona.

Nanalo ang Barangay Ginebra sa Game 1, 91-87, subalit gumanti ang Meralco sa Game 2, 104-102, sa  Quezon Convention Centre sa Lucena upang itabla  ang serye sa 1-1.

Gumawa ang Me­ralco ng 16 three points, tatlo kay Baser Amer na umiskor ng 17 points upang muling tangha­ling ‘Best Player of the Game’.

Muntik nang maulit  ang nangyari sa Meralco sa Game 1 kung saan bumigay ang tropa ni coach Norman Black  sa huli at nanalo  ang Barangay Ginebra via come-from-behind.

Sa Game 2 ay naisalba ng pinagsanib na puwersa  nina import Allen Durham, Baser Amer at Raymond Almazan ang Bolts upang mapigilan ang Kings sa pagkuha ng 2-0 lead.

Sa panalo ay napunta  ang momentum sa Me­ralco at tiyak gagamitin ito ni coach Norman Black bilang tuntungan upang makaangat sa tropa ni coach Tim Cone.

“The win is very important to us. They are energized and hell-bent to win Game 3. We will take advantage and exploit the momentum to the hilt,” sabi ni Black matapos na maitabla ang serye.

Muling sasandal si Black kina Durham,  Amer, Almazan, Antonio Jose Caram, Chris Newsome, Cliff  Hodge, Kier John Quinto, Nico Salva at John Pinto.

“It’s a heart breaking loss. We lost game before the very eyes of our legion of fans in this province. We tried and played hard but breaks went against us when the game was on the line,” malungkot na pahayag  ni Cone.

“We’ll bounce back in Game 3. We studied and analyzed where we failed. We applied corrected measures and put premium on offense and defence,” dagdag ni Cone na target ang kanyang ika-22 titulo magmula noong 1991.

Magiging sandigan naman ng Ginebra sina  Justine Brownlee, LA Tenorio, Stangley Pringle, Scottie Thompson at twin towers  Japeth Aguilar at Greg Slaughter. CLYDE MARIANO