Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Columbian vs San Miguel
7 p.m. – Ginebra vs Blackwater
MAG-AAGAWAN sa No. 1 ang Barangay Ginebra at Blackwater sa kanilang paghaharap sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang bakbakan ng Gin Kings at Elite, kapuwa may 3-0 kartada, sa alas-7 ng gabi matapos ang sagupaan ng San Miguel Beer at Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon.
Sa naturang laro ay masusubukan ang tatag ni Blackwater import William Henry Walker sa kanyang personal duel kay versatile Justine Brownlee. Mapapalaban din si ace slotman John Paul Erram kay fellow Asian Games campaigner Japeth Aguilar, gayundin ang tandem nina Michel Vinent de Gregorio at Mac Belo sa duo nina LA Tenorio at Scottie Thompson.
Sa ‘battle of the brain’ ay walang dudang lamang si Ginebra coach Tim Cone kay Blackwater mentor Bong Ramos dahil ang una ay certified achiever dito at sa ibang bansa kung saan ginabayan niya ang Kings sa titulo sa Commissioner’s Cup kontra sister team San Miguel Beer.
“I am ranged against the best coach in the PBA,” sabi ni coach Bong Ramos matapos gapiin ang NorthPort, 113-111.
“Beating Barangay Ginebra indeed is a difficult task like climbing a mountain. We will fight and go for the win and keep our unbeaten record,” wika ni Ramos, nag-coach sa Indonesia sa loob ng maraming taon.
Sa kabila na pinapaboran ng mga cage expert ay hindi dapat magkumpiyansa si coach Cone dahil may kakayahan ang Blackwater na baligtarin ang mesa pabor sa kanila, lalo na’t mataas ang morale nito matapos ang tatlong sunod na panalo.
Angat naman ang SMB laban sa Columbian dahil lamang sila sa tao at mahaba ang championship experience kumpara sa Car Makers na laging eliminated bawat conference at papalit-palit ng coach.
Hawak ng Beermen ang 1-1 kartada laban sa 0-5 rekord ng Dyip. Nalasap ng Columbian ang ika-5 sunod na kabiguan kontra Talk ‘N Text, 114-118.
Nanalo naman ang SMB, ang reigning Philippine Cup, sa NLEX, 125-112, subalit yumuko sa Blackwater, 100-103. CLYDE MARIANO
Comments are closed.