AGE DISCRIMINATION SA TRABAHO I-REPORT SA DOLE

MAYNILA – HINIKAYAT ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga mang-gagawa na agad i-report ang mga kompanyang lumalabag sa Anti-Age Discrimination Law.

Sinabi ni Nicanor Bon, program and policy division chief ng Bureau of Working Conditions, na ipinagbabawal sa batas na magtakda ang employer ng limitasyon sa edad sa pag-aanunsiyo sa media ng mga bakanteng trabaho, at ang pagdedeklara ng edad o taon ng kapanganakan sa pagproseso ng aplikasyon sa trabaho, gayundin ang pag-alis ng karapatan ng empleyado para sa promosyon, training, at ang pagtatakda ng maagang pagreretiro dahil sa edad.

Ngunit pinapayagan ng batas ang mga employer na magtakda ng limitasyon sa edad sa pagtatrabaho kung ang edad ay isa sa lehitimong kwalipikasyon sa posisyon at ito ay kinakailangan para sa normal na operasyon ng negosyo.

Sinabi ni Bon na kaila­ngang iulat ng publiko ang mga kompanyang hindi tumutupad sa batas at hinikayat ang mga manggagawa na iulat ang insidente kung saan nakaranas sila ng diskriminasyon dahil sa kanilang edad sa pinakamalapit na regional o provincial office ng labor department upang sila ay matulungan sa paghahain ng kaso.

Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga pribadong ­esta­blisimiyento na ang paglabag sa batas ay may katumbas na multa na hindi bababa sa P50,000 at hindi hihigit sa P500,000 o pagkakulong ng hindi bababa sa tatlong buwan at hindi hihigit ng dalawang taon.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.