UMABOT na sa mahigit kalahating bilyong piso ang iniwang pinsala sa agrikultura ng dalawang magkasunod na bagyo na nanalasa sa Northern Luzon ngayong buwan, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa pagtaya ng kanilang regional field offices, sinabi ng DA na ang halaga ng production loss ng agriculture sector sanhi ng Tropical Depression Maymay at Typhoon Neneng ay nasa P583.45 million, mas mataas sa P427.77 million na unang iniulat noong Huwebes.
Ang dalawang cyclones ay nakaapekto sa 21,986 ektarya ng agricultural lands sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, at Cagayan Valley.
Winasak din nina ‘Maymay’ at ‘Neneng‘ ang 36,872 metric tons ng mga pananim, na nakaapekto sa 21,324 magsasaka at mangingisda.
Ang mga apektadong commodities ay bigas, mais, high value crops, livestock and poultry, at fisheries.
Sinabi ng DA na isasailalim pa sa validation ang mga halaga na iniulat.
“The values of damage and losses for ‘Maymay’ and ‘Neneng’ have been combined as the two tropical cyclones occurred in a span of one week and affected the same agricultural areas in CAR, Ilocos Region and Cagayan Valley,” ayon sa DA.