AGRI DAMAGE NI ‘ODETTE’ PUMALO NA SA P6-B

UMABOT na sa P6 billion ang halaga ng pinsala ng bagyong ‘Odette’ sa agrikultura, ayon sa updated figures ng  Department of Agriculture (DA) noong Lunes.

Ang halaga ay para sa volume ng production loss na 118,426 metric tons (MT) at 288,677 hectares ng agricultural areas sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, at Caraga.

Apektado ng kalamidad ang 68,991 magsasaka at mangingisda.

Ang mga napinsalang commodities ay kinabibilangan ng rice, corn, high value crops, coconut, livestock, at  fisheries.

Nagtamo rin ng pinsala ang agricultural infrastructure, machineries, at equipment.

“These values are subject to validation,” ayon sa DA.

Sinabi ng ahensiya na magkakaloob ito ng P2.9 billion na halaga ng ayuda sa mga magsasaka, kabilang ang P1 billion na halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar; P828 million mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bayad pinsala sa mga apektadong magsasaka;

P500 million sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Assistance Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) para sa 20,000 magsasaka at mangingisda; at P314 million halaga ng rice seeds, P129 million halaga ng corn seeds, at P57 million halaga ng assorted vegetables.

Magkakaloob naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng P47 million na halaga ng tulong sa mga apektadong mangingisda.