AIR TRAFFIC CONTROL SYSTEM SA CAAP ININSPEKSIYON NG MGA SENADOR

NAGSAGAWA ng inspeksiyon ang mga senador sa Air Traffic Control Center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pangunguna ni Senadora Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services.

Bukod kay Poe, sumama rin sa inspeksiyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senador Joseph Victor Ejercito, Senator Raffy Tulfo at Senadora Risa Hontiveros.

Dumating din sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo sa ocular inspection.

Lumabas sa assessment ng mga senador sa naturang inspeksiyon ang kapabayaan kaya pumalya ang Air Traffic Control Systems na naging sanhi ng pagkaantala ng flight ng 65,000 pasahero.

Sa isinagawang pulong balitaan, sinabi ni Bautista na matatapos ang findings ng kanilang imbestigasyon ukol sa aberya sa NAIA, kasama ang DICT, NBI , CAAP at NICA, sa Pebrero 15 at kanila itong isusumite sa Senado.

Sinabi naman ni Poe na sakaling matanggap nila ang findings ng imbestigasyon ng DOTr ay kanilang pag-aaralan kung magsasagawa ng isa pang pagdinig o magsusumite ng committee report ukol sa isinagawang imbestigasyon ng Senado.

VICKY CERVALES