IIMBESTIGAHAN ng Philippine Basketball Association (PBA) ang akusasyong pang-aabusong pisikal at emosyonal ni Blackwater player Paul Desiderio sa kanyang dating partner na si Agatha Uvero.
Sa kanyang social media post nitong Miyerkoles ay sinabi ni Uvero na gumawa si Desiderio ng karahasan laban sa kanya, kabilang ang pananakal at paghagis sa kanya sa mesa at dingding. Ilan sa mga insidenteng ito ay nangyari, aniya, habang nagdadalang-tao siya sa kanilang anak.
Sa isang statement, sinabi ng PBA na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng domestic abuse.
“No matter the cause or circumstances, physical and psychological abuse of women, whether in the confines of marriage or not, is inexcusable,” ayon sa liga.
Dagdag pa ng liga, ang ulat hinggil sa mga ginawa ni Desiderio ay dapat lamang bigyan ng seryosong atensiyon kapwa ng koponan na kanyang kinabibilangan at ng mismong PBA.
“The league will conduct an inquiry and hand down its findings and resolution as soon as the facts are clearly established.”
Si Desiderio ay hindi naglalaro sa idinadaos na PBA Philippine Cup makaraang magtamo ng torn ACL.