SINUSPINDE ng Phoenix si head coach Louie Alas dahil sa umano’y paglabag sa health and safety protocols.
Ayon sa report, si Alas ay suspendido ng 15 araw, simula noong Agosto 27 at inaasahang babalik siya sa ensayo ng koponan sa loob ng dalawang linggo.
Tatlong health and safety protocols umano ang nilabag ni Alas makaraang lagyan ng tape ang kanyang mga daliri ng physical therapist ng koponan, pumasok sa court sa panahon ng disinfection process, at pumasok sa gym na mas maaga sa iskedyul.
Bagaman sinabi ni Alas na hindi niya sinasadya ang mga paglabag, tinanggap niya ang parusa at minomonitor ang ensayo ng koponan ‘remotely’.
Ang mga PBA team ay nagsimulang mag-ensayo noong nakaraang linggo, bagama’t maaari lamang nila itong gawin sa maliliit na grupo. Kailangan ding sumunod ang mga koponan sa mahigpit na protocols na pinagsama-sama ng liga, gayundin guidelines na nakasaad sa joint administrative order na nilagdaan ng sports stakeholders.
Umaasa ang mga opisyal ng liga na papayagan na sila ng gobyerno na magsagawa ng scrimmages sa mid-September.
Comments are closed.