ALASKA IMPORT LAGPAS SA HEIGHT LIMIT

Dawson

TATLONG linggo bago ang 2019 PBA Go­vernors’ Cup ay nahaharap sa isang hamon ang Alaska.

Kailangan nga­yong maghanap ng Aces ng panibagong import makaraang lumagpas si Brendan Dawson sa height limit na  6-foot-5 para sa reinforcements sa season-ending confe­rence.

Ang dating ­Michigan State standout ay natuklasang lagpas ng 1/4 inch sa  6-foot-5 maximum height sa official measurement na isinagawa sa tanggapan ng PBA sa ­Quezon City kahapon.

Si Dawson ay dala­wang beses na sinukat subalit pareho pa rin ang resulta na ikinalungkot ni bagong coach Jeff Cariaso, na dumalo sa proceeding, kasama ang ilang miyembro ng kanyang staff.

Ang season-ending tourney ay magsisimula sa ­Set­yembre 20.

Sinabi ni Cariaso, itinalaga noon lamang Agosto 21, na plano niyang gamitin ang karamihan sa defense-oriented system na ipinatupad ni predecessor Alex Compton, at makatutulong sana, aniya, si Dawson sa Alaska sa direksiyong ito.

Ang  26-anyos ay inilarawan bilang isang ‘strong inside player at good defender’, kung saan naging Big Ten All-Defensive Team member ito bago nag-graduate bilang all-time leading shot blocker ng Michigan State, kapwa noong 2015.

Kinuha ng New Orleans Pelicans si Dawson sa second round ng 2015 NBA Draft, subalit agad itong ipinamigay sa Los Angeles Clippers para sa cash considerations.

Ang  Gary, Indiana native ay pumirma ng two-year deal sa Clippers, subalit ang kanyang  rookie year doon ay kinasangkutan ng multiple assignments sa NBA D-League sa multiple teams bago winave ang kanyang kontrata ng sumunod na taon.

Comments are closed.