IPINAG-UTOS ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagsasagawa ng second collection upang matulungan ang mga biktima nang pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa inisyung Circular Letter ng Archdiocese of Manila, inaatasan ni Tagle ang lahat ng Parish Priest, Rector at Chaplain na magsagawa ng second collection, sa lahat ng banal na misa na idaraos sa kanilang mga Parokya simula Enero 18 ng gabi at buong araw ng Enero 19, kasabay ng Holy Child-hood Sunday.
Nabatid na ang lahat ng donasyong malilikom nila ay ipinasusumite sa Arzobisado De Manila hanggang sa Enero 22, upang maipaabot sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan.
“In solidarity with our brothers and sisters who are affected by the eruption of Taal Volcano, His Eminence Cardinal Luis Antonio G. Tagle requests that a second collection be taken at all Masses from the evening of Saturday, January 18, and whole day of Sunday, January 19,” nakasaad sa circular na pirmado ni Fr. Reginald Malicdem na chancellor ng Archdiocese.
Samantala, ang special collection naman para sa Holy Childhood Sunday sa Enero 19 ay ililipat na lamang sa Pebrero 2, habang sa Enero 26 ay magkakaroon din ng second collection para sa biblical apostolate.
“The special collection for Holy Childhood Sunday on January 19 (cf. Circular No. 2020-02) will be moved to February 2, the Feast of the Presentation of the Lord. On January 26, the Sunday of the Word of God, there will also be a second collection for the biblical apostolate. Please be guided accordingly,” bahagi pa ng circular.
“We also encourage the intention that the eruption may end and that all may be safe be included in the Prayer of the Faithful of all our Masses,” anito pa.
Una nang nanawagan si Tagle ng panalangin at tulong para sa mga biktima ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Humihingi naman ang Archdiocese of Lipa ng ayuda para sa pagkain, tubig, hygiene kits at facemasks na pangunahing pangangailangan ng mamamayang lubhang apektado ng naturang natural na kalamidad. ANA ROSARIO HERNANDEZ