SUPORTADO ng ilang business groups ang pagsasailalim sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Alert Level 1, na magpapahintulot sa lahat ng negosyo na mag-operate sa full capacity sa gitna ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases.
Sa online Pandesal Forum, pawang sinang-ayunan nina Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon and Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry President Henry Lim Bon Liong na kailangang buksan pa ng bansa ang ekonomiya.
Ayon kay Concepcion, kailangang buksan ang ekonomiya dahil kailangan din ng gobyerno ng dagdag na pondo dahil sa malaking pagkakautang nito para tustusan ang COVID-19 response.
Kailangan din, aniya, ng karagdagang pondo para sa vaccination booster shots at iba pang mga kaugnay na gastusin.
“We have to make use of this time while cases are down to really push the economy to move up,” ani Concepcion.
Sinabi ni Concepcion na ang pagbubukas pa ng ekonomiya ay magpapabilis sa paglago at magbibigay-daan para mabawasan ng bansa ang debt-to-GDP ratio nito na kasalukuyang nasa 60 percent. Aniya, ang mataas na lebel ng pagkakautang na ito ay mapanganib.
Ang isang paraan para buksan ang ekonomiya ay ang pagluluwag pa sa COVID-19 restrictions sa mga lugar na may mataas na vaccination rates.
“There is no business that will not support alert level 1,” sabi ni Liong.