HINDI pa mairerekomenda ng Department of Health (DOH) na ibaba sa Alert Level 2 ang quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR) kahit may bahagyang pagbaba sa bilang ng mga naiuulat na mga bagong kaso ng COVID-19.
Sa public briefing nitong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na masyado pang maaga para magluwag sa NCR.
Kailangan aniyang bantayan pa ang sitwasyon dahil may mga hindi nagpapa-test o gumagamit ng antigen test kits na hindi naisasama sa opisyal na datos ang resulta.
“It’s too early to declare and to say to people that we will shift or de-escalate to Alert Level 2. Araw-araw po binabantayan natin pero sa ngayon, hindi pa ho natin masasabi if we can already de-escalate by February dito po sa NCR,” pahayag ni Vergeire.
Ayon sa OCTA Research Group, maituturing pa ring very high risk ang NCR sa COVID-19 dahil sa mataas na average daily attack rate (ADAR) o bilang ng nagkakasakit sa kada 100,000 populasyon, na nasa 83.93.
Gayunman, negative-30 percent ang 1-week growth rate sa NCR o bumaba ang mga bagong kaso nang 30 porsiyento sa nakalipas na 7 araw.
Ayon sa OCTA, bagamat malinaw na bumaba ang mga kaso sa NCR, maaga pa para makampante.
“We’re confident about the trend pero, again, trend lang ito. Pababa ‘yung cases doesn’t mean na we’re out of the woods or na mababa na ‘yung cases. Magkaibang word ‘yun na ‘pababa’ at ‘mababa na’,” ani OCTA fellow Guido David. EQ