INILUNSAD ng Parañaque city ang ‘all-in-one’ na teknolohiya na magbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng magaan na pagpoproseso, pagpickup at pagde-deliver ng mga lisensya at permits na isa ring hakbang ng lungsod upang makaiwas sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.
Inihayag ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na kanilang gagamitin ang kasalukuyang teknolohiya at serbisyo ng kumpanya ng mga courier upang pansamantalang ihinto ang pisikal at harap-harapang transaksyon sa lokal na pamahalaan habang nakararanas ang bansa ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Sa “all-in-one” courier service, ang aplikasyon ng Keri ay idinisenyo upang mabigyan ng makabagong lebel na karanasan na idinevelop mismo dito sa bansa.
Inanyayahan naman ni Olivarez ang publiko na subukan ang kanilang “full concierge service” kung saan walang pisikal na transaksyon sa city hall na magaganap. MARIVIC FERNANDEZ