MAHIGIT 100,000 job opportunities ang bubuksan sa Labor Day, Mayo 1, para sa mga naghahanap ng trabaho, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Bilang selebrasyon ng 120th Labor Day, ilalatag ng DOLE ang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fairs na lalahukan ng 900 employers sa buong bansa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nasa 102,426 local at overseas jobs ang iaalok sa fairs.
Aniya, ang paglahok ng mga employer sa May 1 job fairs ay resulta ng pagsisikap ng pamahalaan sa employment recovery na matinding hinagupit ng pandemya.
“This job fair is one of the employment recovery strategies to restart economic activities, restore consumer and business confidence, upgrade and retool the workforce, and facilitate labor market access,” sabi ni Bello.
Karamihan sa mga bakante sa 26 job fair sites ay sa manufacturing, business process outsourcing, at retail/sales industries.
Ayon kay Bello, maaaring samantalahin ng mga naghahanap ng local employment ang 73,671 trabaho para sa production operators/machine operators, customer service representatives, collection specialists, retail/sales agents/promodisers, at sewers na iaalok ng 817 employers.
Samantala 28,755 overseas jobs sa Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Germany, Poland, the United Kingdom, Japan, Taiwan, at Singapore ang iaalok ng 73 recruitment agencies.
Ang top overseas vacancies ay para sa nurse/nurse aide; carpenter, foreman, and welder; food server; household service worker; at auditor.
Ang main job fair site sa Mayo 1 ay ang Kingsborough International Convention Center sa San Fernando City, Pampanga, kung saan mahigit sa 10,000 jobs trabaho ang iaalok ng 90 employers.
Karamihan sa mga bakante ay para sa production operators, skilled sewers, customer service representatives, production helpers, call center agents, helpers, staff nurses, at collections specialists.