NAGSISIMULA na nga naman ang ilan sa atin sa pagbili ng mga regalo, para sa pamilya, katrabaho at kaibigan. Ang iba naman, nag-aabang pa ng sale o promo. Habang ang ilan na walang panahong mamili, sa online naman nagsa-shopping.
Hindi nga naman kasi puwedeng dumaan ang Pasko nang hindi tayo nakapagbibigay ng regalo sa mga mahal natin sa buhay o sa mga taong naging mahalaga sa atin.
Kasabay rin ng pagbili ng regalo ay ang pag-iisip kung papaano ito babalutin at kung ano ang gagamiting pambalot.
Hindi lang din naman kasi ganda ng regalo ang lagi nating iniisip kundi maging ang presentasyon nito o pagkakabalot. Kailangang maganda ang pagkakabalot at kakaiba, iyan ang lagi nating iniisip.
Sa ilan nga naman, hindi sapat na nakabalot lang ang kanilang regalong ibibigay. Kailangan ay kakaiba at maganda rin ang pagkakabalot nito.
Pero hindi rin naman kailangang gumastos ng mahal para lamang makabili ng pambalot sa regalo. Marami rin namang alternatibong paraan na puwede nating subukan.
At sa mga nag-iisip ng alternatibong paraan ng pagbabalot ng regalo ngayong paparating na Pasko, narito ang ilan sa mga maaaring subukan:
NEWSPAPER AND MAGAZINE GIFT WRAP
Isa sa simple at murang alternatibong pambalot ng regalo ay ang mga lumang magazine at diyaryo. Kung hindi nga naman ginagamit, bakit hindi na lang gawing pambalot ng regalo kaysa sa nakakalat lang sa bahay.
Gupitin lang nang maayos ang bawat pahina at gumamit ng glue upang mapagdikit at makagawa ng wrapper. Maganda rin kung makukulay ang pipiliing pahina o kaya naman, iyong may malalaking litrato.
Bukod sa wrapper, maaari ring gawing paper bag ang mga lumang magazine at newspaper.
FABRIC AND SCARF WRAP
Isa pa sa magandang gawing pambalot ang fabric at scarf. Mamili lang ng colorful na tela at iyon ang gamiting pambalot.
Kung mayroon naman kayong lumang tela, maaari rin itong gamitin para hindi na gumastos pa. Kung may mga scarf naman kayong hindi na ginagamit, mapakikinabangan pa ninyo ito at gawing pambalot.
Maganda rin kasi ang scarf gamiting pambalot ng regalo dahil hindi mo na kakailanganin pa ng pandikit. Itatali mo nga lang naman ito at may instant pambalot ka na.
Maganda na sa paningin, maaari pang mapakinabangan ng iyong pagbibigyan.
MGA LUMANG KALENDARYO
Taon-taon nga naman ay nagpapalit tayo ng kalendaryo. At dahil patapos na ang taon, kaysa itapon ang mga lumang kalendaryo, maaari mo itong mapakinabangan pa at gawing pambalot ng regalo.
Hindi ka na nga naman gagastos ng malaki, mababawasan pa ang kalat ninyo sa bahay.
GAMIT NA O LUMANG PAMBALOT
Kapag nga naman nakatatanggap tayo ng regalo, kung maganda ang ginamit na pambalot ay itinatago natin ito. Sayang naman kasi kung itatapon lang lalo na kung puwede pa naman itong pakinabangan.
Marami sa atin ang mahilig mangolekta o magtago ng mga kung ano-ano. Hindi naman ito matatawag na pagtatago o pag-iipon lang ng basura dahil nga mapakikinabangan ito. Kumbaga, may mga panahong kakailanganin natin ito.
At dahil nga paparating na naman ang Pasko, magagamit natin ang mga kinolekta o itinago nating mga bagay-bagay gaya ng wrapper, papel, iba’t ibang kulay ng plastic, box, paper bago at kung ano-ano pa.
Kaya naman, sa mga kagaya ko na mahilig magtago ng luma o gamit nang pambalot at kung ano-ano pa, puwede na ninyong hagilapin ang mga ito at gamitin ngayong darating na Pasko.
Kung magiging creative lang tayo, talagang makapag-iisip tayo ng maganda at panibagong paraan ng pagbabalot ng regalo. Tandaan na hindi kailangang mahal ang ibibigay kundi dapat ay galing ito sa puso. CS SALUD
Comments are closed.